Ni Nova Penaverde Regalario

Read the English article here.
Sa kabila ng init at lamig sa kabundukan ng San Cristobal sa San Pablo, Laguna ay matiyaga ang ginagawang pagtatanim ng mga katutubong puno bilang bahagi ng Forests For Life Movement ng Haribon Foundation. Ito ay sinusuportahan ng iba’t ibang indibidwal at grupo na naglalayong ipanumbalik ang mga nasirang kagubatan ng Pilipinas.
Ang pagtatanim ng puno ay isang uri nang bayanihan sa pagtutulungan ng mga people’s organizations, mga donors at volunteers, at iba’t ibang ahensiya. Subali’t tulad nang hirap ng pagpanhik sa kabundukan, maraming hamong kaakibat ang pagsusulong ng ganitong layunin.
Natatandaan ko pa ang kwento ng isa sa mga pamilya ng San Cristobal Farmers Association (SCFA), isa sa mga katulong na organisasyon ng Haribon sa rainforestation program.
Noong magkasakit ang anak na lalaki mula sa Saudi Arabia ng mag-asawang Tatay Carding at Nanay Maring, kinailangan nilang tumigil pansamantala sa programa upang siya’y alagaan. Sa kasamaang palad, namatay ang kanilang anak.
Kasa-kasama ko dati sina Tatay Carding at Nanay Maring sa pagpanhik para sa pagtatanim ng mga puno. Ngunit ilang linggo matapos ang nangyari sa kanilang anak, naisip kong sila muna’y magpapahinga sa pagtatanim ng puno.
Nang sumunod na buwan ng aming pag-akyat, nakita ko ang mag asawa. Bakas pa rin ang lungkot sa mga mata nila.
Nilapitan ko sila at kinamusta.
“Ok naman na po. Umakyat na po kami para po ‘di masyadong malungkot,” ang sabi ng mag-asawa. “Kapag nandito po kami sa bundok, nawawala po ang lungkot.”

Sinuklian ko ito ng ngiti at pasasalamat sa kanilang pagsama.
Sa kabila ng kanilang pinagdadaanan, humanga ako sa kanilang pagsisikap na manatiling kabahagi ng pagbabago.
Nakilala ko ang mag-asawa sa dalawang taon naming pagsasama-sama sa bundok. Maraming pagkakataon sa aming salu-salong pagkain o pamamahinga, kami ay nagpapalitan ng mga kwentong buhay.
May panahon din na inabutan kami ng bagyo habang nasa lugar ng taniman. Sumigaw ako dahil hindi ko na sila makita sa kapal ng ulap. Naging masungit ang panahon sa pagsapit ng gabi—malakas ang hangin, may kasamang patak ng ulan, ramdam ang lamig at halos matanggal ang nakatakip na plastic na nagsisilbing dingding mula sa kubo na aming tinutulugan sa magdamag na iyon.
Tumigil ang bagyo kinabukasan at ipinagpatuloy namin ang aming ginagawang paghahanda para sa pagdating ng mga magtatanim na volunteers.
Kung minsan, kasa-kasama rin namin si Nanay Linda.
Pagsasaka ang pangunahing pinagkakitaan ni Nanay Linda, isang single parent. Sa pagsasaka niya itinaguyod ang kanyang anim na mga anak. Si Nanay Linda ay kasama sa pagpaparami ng katutubong pananim habang patuloy sa paghahanap-buhay.
Madalas siya’t aking nakakasama sa pag-akyat sa bundok, pati ang iba pang miyembro ng San Cristobal Farmers.
Ngunit may mga pagkakataong iilang miyembro lamang tulad nina Nanay Linda at Nanay Maring ang umaakyat dahil ang iba ay kailangang pumasok sa trabaho sa bayan. Ang iba naman ay kailangang asikasuhin ang kanilang pangunahing pinagkakakitaan na pagtatanim ng gulay at pag-aalaga ng hayop.

“Masaya po kami sa ginagawa namin kahit na may pagkakataon na pinagtatawanan. Minsan po ay may mga dala kaming pananim. Tinatanong po kung ano ang aming makukuha o ano ang halaga nitong mga puno na aming itatanim,“ ang kwento ni Nanay Linda.
“Ipinapaliwanag po namin na ito ay para sa ating lahat—dahil mahalagang mataniman ang bundok ng San Cristobal.”
Ayon din kay Nanay Maring, kahit na hindi nauunawaan ng iba ang kanilang ginagawa, makikita rin nila ang benepisyo nito sa darating na panahon.
“Gusto rin po namin sana ay makasama rin sila sa pagtatanim. Bagaman po mahirap pero alam po namin na ito ay para sa amin din at sa susunod na henerasyon,” aniya.
Isinusulong ng Haribon Foundation, kasama ang mga kaabikat sa pamayanan, ang pagpapanumbalik ng nasirang kagubatan upang mapanatili ang balanse ng ating ecosystem. Mahalaga ring mapanatili at masagip ang mga nananganib na mga samu’t saring buhay.
Masisilayan sa mga mata nila ang saya tuwing pinag-uusapan namin ang paglaki ng mga puno na itinanim kasama ang mga volunteers. Masaya nilang ibinabahagi sa mga volunteers at sponsors ang kanilang mga karanasan habang naglalakad patungo sa planting site; mula sa mga kwento tungkol sa paghahanda ng lupang permanenteng tataniman ng mga puno, sa pagtatabas ng mga damo na halos doble ang taas sa kanila, pagbubutas ng lupa para sa paglalagyan ng puno, at maging ang simpleng paglalagay ng marka sa bawat butas.

Tulad ng pag-aalaga ng isang ina sa kanyang mga anak ang pagtiyak na ang mga seedlings ay lumalaki rin nang maayos. At kagaya ng batang nabigyan ng wastong atensyon at pagmamahal, ang mga punong ito ay nagbabalik din ng kanyang pag-aaruga—sa pamamagitan ng pagkain, raw materials, malinis na tubig, hangin, at kanlungan ng iba’t-ibang samu’t saring buhay.
Sa bawat pagpanhik sa matarik na kagubatan, marami pang kwento ang naghihintay na isalaysay – mga kwento ng paghilom, pag-asa, at pangarap.